Matagal nang napatunayan na ang kahit anong usapan basta tungkol sa PAG-IBIG ay palaging magiging makulay, kasing kulay ng bahaghari tuwing matatapos ang ulan, at malawak, tulad ng kalangitan sa gabing maningning ang mga bituin.
Naiisip ko tuloy na para maiba naman, bukod sa pangkaraniwang, “iniwan na ako ni ganito” o kaya ay “mahal ko na si ganire” bakit hindi ako gumawa ng isang tanong na pwede kong sagutin at siyempre sasagutin din ng mga makakarinig nito.
Tanong: Na-FALL OUT OF LOVE ka na ba sa isang kaibigan? (Kaibagan lang ito ha! Nothing more! Nothing less!)
Siguro tatanungin nyo din ako kung bakit ko pa naisipang itanong ito sa inyo. Siyempre katulad ng mga theory sa science merong pinag-uugatan ang katanungan aking naisip.
Ilang gabi lang ang nakakalipas isang kaibigan, na papangalanan natin FRIEND 1, ang nagsabi sa akin na nararamdaman na daw niyang may namumuong COLD WAR sa pagitan ko at ng isa pang kaibigan, si FRIEND 2. Ang bigat ng mga salitang binitawan niya. Una sa lahat kilala niya ako at mas lalong kilala niya ang kaibigan ko. Naisip lang ni FRIEND 1 na habang tumatagal kasi ang mga araw na pinagsasamahan namin ni FRIEND 2, mas napapadalas na ang mga awayan na nagmumula lang naman sa mga simpleng bagay. Sabi pa ni FRIEND 1, feeling niya daw ang mga simpleng away-bati namin ni FRIEND 2 ay natatapos ngunit para bagang isang tumpok na ng file sa isang opisina na pwede mong halungkatin kahit kailan, kumbaga naka-save na sa isang database.
Alam kong mahal ko si FRIEND 2, katulad ng pagmamahal sa isang kapatid, alam niya yan. Hindi ko isusumbat ang mga bagay na ginawa ko para sa kanya dahil batid ko na ginawa ko ang lahat ng bukal sa aking puso. Ayokong isipin niya na matatalikuran ko siya dahil kahit hindi ko alam makipag-suntukan alam niya dadaanin ko sa sabunutan maipagtanggol ko lang siya sa mga mang-aapi. Ganoon ko siya ka mahal, kung hindi man niya iyon pinapahalagahan wala akong pakiaalam, mahal ko pa din siya.
Bilang isang tao, hindi ko matatanggi na mahina din ako. Kung minsan hindi ko nagugustuhan ang mga bagay na ginagawa ni FRIEND 2. Ang mga akala niyang masasakit na salita na ako lang ang makaka-bigkas ay kaya din niya. Nasasaktan din naman niya ako at alam ko, ako din sa kanya. Magulo pero alam ko naiintindihan ninyo. Normal lang ito, part of growing up.
Ngayon, hindi ko na talaga alam kung ano ang dapat kong sabihin sa mga susunod na pangungusap sa artikulong ito. Ang totoo gusto ko lang naman talaga malaman, gusto na mabigyan ng kasagutan ang tanong na aking naiisip. Na-FALL OUT OF LOVE na ba ako sa aking kaibigan?
Ayaw ko magsawa na maging laging nandiyan para sa kanya. Ayaw ko na iwan ko siya at ganun din siya sa akin. Ayaw ko na hindi na siya ituring na kaibigang aking mahal katulad ng pagmamahal sa isang kapatid. Ayaw ko na OO ang maging sagot sa tanong na kahit kailan alam kong HINDI ang isasagot ko.
Kung OO o HINDI man ang sagot mo... Hala! Bakit?